QFPTA officers nag-courtesy call kay Quezon Gov. Tan; mahahalagang plano at kahilingan, inilatag
Nag-courtesy call ang mga opisyales ng Quezon Federated of Parent-Teachers Association ng Division of Quezon kay Governor Doktora Helen Tan sa Kapitolyo ng Quezon Province sa Lucena City nitong Lunes, October 21, 2024.
Pinangunahan mismo ni QFPTA President Ranel M. Encanto na siyang Pangulo rin ng Bayan ng Unisan kasama sina Vice President JR Narit, Pangulo ng Bayan ng Real, Secretary Marick Pedrezuela, Pangulo ng Calauag, Treasurer Cristian B. Ilagan na siyang Pangulo ng Tiaong, Quezon.
Dumalo at nakiisa rin ang mga Board of Directors at mga Pangulo ng ilang bayan kasama sina Perper Campomanes ng Plaridel, Michelle Galomo ng Dolores, Lolito Merjudio ng Atimonan, Jogie Enal ng Lucban, Early Principe ng Sariaya, Kons Dan Ilao ng Macalelon at Rhandel Dioleta ng Kauban, Quezon.
Personal ring tinanggap ni Governor Tan ang mga Resolution ng QFPTA at iba pang mga kahilingan ganun din ang mga resolution ng bawat bayan na bitbit ng mga Pangulo upang makarating sa tanggapan ng Gobernadora.
Kasabay nito, inilatag rin ng pamunuan ng QFPTA ang mga mahahalagang plano katulad na lamang ng pagkakaroon ng Parents Convention na lahat ng mga opisyales o mga Pangulo ng bawat paaralan sa bawat bayan sa lalawigan ay magtipon-tipon sa Lucena City upang mapag-uusapan ang mga mahahalagang hakbang at mga polisiya ganun din ang mga kapamaraanan sa paglilikom ng pondo na layon nitong matulungan ang mga paaralan na nasa laylayan o mga nasa liblib na lugar na maituturing na less fortunate area.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga QFPTA Officers kay Governor Tan dahil ang bawat Pangulo ay personal na nakadaupang palad ang gobernadora na nailahad nito ang mga pangangailangan at problema ng bawat paaralan na magiging katuwang ang pamahalaang panlalawigan sa pagresolba ng mga kahilingan.
Umaasa rin ang mga opisyales ng QFPTA na maging productive ang kanilang hanay o batch 2024-2025 na merong resulta sa iksi ng termino ng kanilang pamumuno at gagawin ang lahat para makapagbigay serbisyo sa bawat estudyante, magulangin na makatulong sa mga guro na maging katuwang sa pagsusulong ng DepEd sa kalidad na edukasyon.
Ayon sa gobernadora, bagama’t kulang sa pondo ang probinsya pero lahat ng makakaya ay ginagawan ng paraan na prayoridad ding matututukan ang pagpapaayos ng mga pasilidad upang maging maaluwal ang pagpasok ng mga estudyante.
Matatandaan na madami ng nagawa ang Kapitolyo na nabigyan kaagad ng solusyon ang mga natamaan ng bagyo na meron ng mga bago at modernong gusali partikular na sa Polillo Group of Islands at iba’t-ibang bahagi ng nasabing probinsya at walang tigil ang gobernadora sa pangangalap ng pondo upang matugunan ang iba pang mga pangangailangan ng bawat bayan. (JR Narit)