Pagpigil sa ilegal na pagbebenta at paggamit ng uniporme ng PNP paiigtingin ng NCRPO

Pagpigil sa ilegal na pagbebenta at paggamit ng uniporme ng PNP paiigtingin ng NCRPO

Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa hindi awtorisadong paggawa, pagbebenta, pamamahagi at paggamit ng mga opisyal na uniporme, insignia at iba pang kagamitan ng Philippine National Police (PNP).

Kaugnay nito, paiigtingin ng NCRPO ang pakikipag-ugnayan sa mga online shopping platform at lehitimong supplier ng uniporme upang maiwasang makarating sa mga hindi otorisadong sibilyan at iba pang indibidwal ang uniporme ng mga pulis.

Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano, ang hindi otorisadong pagbebenta ng uniporme ng pulis ay nagdudulot ng seryosong panganib sa kaligtasan ng publiko.

“The police uniform is a symbol of lawful authority, not a commodity that anyone can buy online. We will work with our partners in the e-commerce industry to shut down channels that allow unauthorized persons to obtain PNP uniforms, insignias and other police identifiers. If you manufacture, sell or use these items without authority, expect the NCRPO to take appropriate legal action,” ayon sa heneral.

Sa ilalim ng Executive Order No. 297, series of 2000, ipinagbabawal ang hindi awtorisadong paggawa, pagbebenta at pamamahagi ng mga uniporme, insignia at iba pang kagamitan ng PNP.

Hindi maaaring basta gawin at ibenta nang hindi inaprubahan ng PNP Uniform and Equipment Standardization Board (UESB) ang mga disenyo at espesipikasyon ng mga uniporme ng PNP.

Tanging ang mga kinikilalang supplier at awtorisado ng PNP at ng National Historical Institute ang maaaring gumawa, magbenta o mamahagi ng mga ito.

Maaaring patawan ang mga lalabag ng pagsasara ng establisimyento, pagkansela ng lisensya o permit sa negosyo, pagsamsam at pagkumpiska sa mga kagamitan at produkto, multang administratibo, at kaukulang kasong administratibo, sibil at kriminal.

Ang hindi otorisadong paggamit ng uniforme ng mga alagad sa batas ay maituring na paglabag sa Article 179 ng Revised Penal Code o Illegal Use of Uniforms or Insignia.

Ang babala ay kasunod ng pagkakaaresto sa Cubao, Quezon City, sa isang 31-anyos na lalaki na umano’y nagpanggap na pulis at nagsuot ng unipormeng may insignia ng ranggo at patch ng isang himpilan ng pulisya. Nahaharap ang suspek sa mga reklamong usurpation of authority at illegal use of uniform or insignia.

Nananawagan ang NCRPO sa mga online marketplace, supplier ng uniporme at publiko na makipagtulungan upang matiyak na hindi mapupunta sa mga hindi awtorisadong indibidwal ang mga uniporme ng PNP.

Hinikayat din ang publiko na ireport sa mga awtoridad ang mga pinaghihinalaang pagpapanggap bilang pulis at ilegal na pagbebenta ng mga police uniforms. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *