Motorista binalaan ng NCRPO laban sa carnapping at motornapping bago ang Undas at holiday season

Motorista binalaan ng NCRPO laban sa carnapping at motornapping bago ang Undas at holiday season

Hinikayat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga motorista sa buong Metro Manila na higit pang mag-ingat sa pagprotekta sa kanilang mga sasakyan at sa pagpili ng ligtas na paradahan ngayong naghahanda ang publiko para sa Undas 2026 at sa sunod-sunod na pagdiriwang ng holiday season.

Ayon sa paalala ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher N. Abrahano, maaaring samantalahin aniya ng mga kriminal ang mataong mga paradahan, mga sasakyang walang nagbabantay, upang makagawa ng mga krimen gaya ng carnapping, motornapping, at pagnanakaw.

Pinayuhan din niya ang mga may-ari ng sasakyan na pumarada lamang sa mga ligtas, maliwanag, at awtorisadong paradahan; iwasang mag-iwan ng mahahalagang gamit sa mga lugar na madaling makita; laging ikandado ang pinto ng sasakyan; at huwag kailanman iwang umaandar o bukas ang makina ng sasakyan kahit sa maikling paghinto lamang.

Binigyang-diin din ni PBGen. Abrahano ang kahalagahan ng maingat na pagpili sa mga taong pinagkakatiwalaang humawak o gumamit ng kanilang mga sasakyan, kabilang ang mga drayber, kasambahay, at iba pang awtorisadong indibidwal.

Hinimok ang mga may-ari na tiyakin na maging mapagmatyag sa anumang kahina-hinalang kilos. Kasunod ito ng pagkakaaresto sa isang drayber na umano’y kumuha ng sasakyan ng kanyang amo sa Taguig City.

“Vehicle security does not end with locking your doors or parking in a safe place. Owners must also be mindful of the people they entrust with their vehicles. Huwag basta-basta magtiwala, and always take the necessary precautions to protect your property,” ani PBGen. Abrahano.

Dagdag ng heneral, mahalaga ang mas mataas na kamalayan ng publiko at responsableng pagmamay-ari ng sasakyan upang maiwasan ang mga krimen, lalo na tuwing Undas at holiday season, kung kailan maraming pamilya ang bumibiyahe, dumadalaw sa mga sementeryo, dumadalo sa mga pagtitipon, o umaalis ng kanilang mga tahanan nang matagal.

Inatasan ng NCRPO ang mga yunit ng pulisya na manatiling mapagmatyag laban sa mga krimeng may kaugnayan sa sasakyan, paigtingin ang presensiya ng mga pulis sa mga lugar na madalas pamugaran ng krimen, at palakasin ang pagpapatrolya sa mga mataong lugar, transport hub, pasilidad ng paradahan, at iba pang lugar kung saan maaaring malagay sa panganib ang mga motorista.

Pinaalalahanan din ni PBGen. Abrahano ang publiko na agad na tumawag sa 911 hotline sakaling makakita ng insidente ng carnapping at pagnanakaw sa mga sasakyan para agad na marespondehan ng mga pulis.

“Prevention begins with vigilance and timely reporting. We encourage everyone to take vehicle security seriously, remain alert to suspicious activities, and immediately seek police assistance when necessary. Together, we can help keep Metro Manila safe throughout Undas and the holiday season,” pahayag ng heneral. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *