50 pang OFWs mula Riyadh nakauwi na sa bansa sa tulong ng OWWA at DMW
Karagdagang 50 na Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Riyadh, Saudi Arabia ang napauwi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), katuwang ang Department of Migrant Workers (DMW), ngayong Martes, Oktubre 20, bilang bahagi ng patuloy na repatriation operations para sa mga manggagawang naapektuhan ng mga kanselasyon at pagkaantala ng flights sa Riyadh.
Umabot na sa 84 ang kabuuang bilang ng mga OFW na napauwi ng OWWA, kasama ang unang 34 na dumating noong Oktubre 19.
Upang maituloy ang kanilang pag-uwi, ibinyahe ang 50 OFW mula Riyadh patungong paliparan sa Al Qassim. Tumagal nang tatlo hanggang apat na oras ang kanilang land travel, kasama ang mga Welfare Officer ng OWWA na umalalay sa kanila at tumulong sa pag-asikaso ng kanilang paglalakbay.
Dumating ang grupo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bandang alas-8:00 ng umaga sakay ng Qatar Airways Flight QR934.
Personal na sinalubong ni OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan ang mga umuwing OFW, kasama ang OWWA Repatriation and Assistance Division (RAD), upang kumustahin sila at matiyak ang agarang pag-asikaso sa kanilang mga pangangailangan.
Inihanda ng OWWA ang airport assistance, transportasyon, pansamantalang matutuluyan, at domestic flight assistance para sa mga magpapatuloy ng biyahe patungo sa kani-kanilang probinsya, batay sa kanilang pangangailangan.
“Sa panahon ng krisis, kailangang maramdaman ng ating mga OFW na may malalapitan sila at may agad na kikilos para sa kanilang kaligtasan. Kaya humanap tayo ng alternatibong ruta at sinamahan sila ng ating mga Welfare Officer sa biyahe mula Riyadh. Pagdating dito, tuloy ang ating pag-alalay upang makauwi sila nang maayos sa kanilang mga pamilya. Iyan ang Alagang OWWA,” pahayag ni Administrator Caunan.
Tinatayang 300 pang OFW ang kasalukuyang inaasikaso para sa mga susunod na repatriation flights. Patuloy ang koordinasyon ng OWWA at DMW, katuwang ang Philippine Embassy sa Riyadh at mga Migrant Workers Office sa Saudi Arabia, upang maisaayos ang kanilang mga biyahe at matugunan ang kanilang pangangailangan habang naghihintay ng pag-uwi.
Ang pagpapauwi ng OWWA ay pinopondohan sa pamamagitan ng supplemental Emergency Repatriation Fund (ERF), na ginagamit para sa repatriation operations at kaugnay na welfare assistance sa mga apektadong OFW.
Isinasagawa ito alinsunod sa bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW, sa ilalim ng Saving Lives pillar ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program.
Patuloy ang Alagang OWWA, mula sa pag-alalay sa ibang bansa hanggang sa muling pagsasama ng ating mga kababayan at kanilang mga pamilya. (Bhelle Gamboa)
