Mega job fair idaraos sa Quezon City sa Labor Day
Maglulunsad ng megajob fair ang Quezon City Government bilang bahagi ng selebrasyon ng Labor Day.
Ayon sa pahayag ng QC LGU, ang megajob fair ay lalahukan ng mahigit 100 kumpanya na mag-aalok ng mahigit 9,000 na local at overseas na trabaho.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, gaganapin ang job expo sa Risen Garden ng City Hall mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon at bukas ito maging sa mga hindi taga QC.
Pangungunahan ng QC Public Employment Service Office ang aktibidad katuwang ang Department of Labor and Employment.
Kabilang sa mga kumpanya na mag-aalok ng trabaho ay ang San Miguel Corporation Integrated Merchandising Inc., Meralco Energy Inc., D.M Consunji Inc., Solaire Resort North, Sanford Marketing Corporation o Savemore, Robinsons Supermarket, Union Bank, Wilcon Depot, Zesto Corporation, Amaia Land Corporation, at maraming iba pa.
Magkakaroon din ng One-Stop Shop sa pagproseso ng QCitizen ID, PhilSys ID, Social Security System, Philhealth at Pag-IBIG membership.
Magiging available din ang pag-apply ng clearance mula sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police.
Sa parehong araw ay magkaakroon ng simultaneous job fairs sa mga SM Supermalls sa lungsod, kabilang ang SM City North EDSA, SM City Sta. Mesa, SM City Novaliches, at SM City Fairview. (DDC)