459 pang PDLS ng Bilibid inilipat sa Palawan
Dumating nitong weekend sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa, Palawan ang kabuuang 459 na persons deprived of liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Umabot na sa 1,254 PDLs ang nailipat sa ibang may operasyong prison and penal farm ng BuCor simula nitong Enero 2024.
Inihayag ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. batay sa report na isinumite sa kanya ni Acting NBP Superintendent CCINSP Roger Boncales, lahat ng PDLs ay pawang ligtas na nakarating sa IPPF maliban sa isa na dumanas ng Hypokalemia na agad isinakay sa ambulansya papuntang IPPF.
Ang sakit na Hypokalemia ay ang sobrang mababang bilang ng potassium sa dugo.
Ayon kay Catapang ang pagtatransfer ng PDLs sa labas ng Metro Manila ay isang hakbang upang maibsan ang siksikan sa loob ng NBP habang naghihintay ng pondo para sa konstruksiyon ng regional correction facilities bilang bahagi ng kanyang planong katamtaman at pangmatagalang pag-unlad at modernisasyon.
Aniya ang paglilipat din ng PDLs sa IPPF ay susporta sa tao na kailangan sa Iwahig sa kanyang Reformation Initiative for Sustainable Environment (RISE) para sa Food Security project nito.
Sa datos ng BuCor sa nakalipas na limang taon, aminado si Catapang na ang average number ng pinalayang PDL ay nasa 5,327 kada taon habang 7,823 naman bawat taon na malinaw na mas mataas ang bilang ng admission rate ng BuCor kaysa sa mga lumalaya.
“Under these conditions, PDL population will continue to grow at steady rates making regionalization the most potent solution,” ani Catapang.
Ang BuCor sa gabay ni Justice Secretary Crispin Remulla, umabot nasa kabuuang 11,347 PDLs ang pinalaya magmula Hunyo 2022 hanggang Enero 2024 sa ilalim ng “Bilis Laya” Program.
Ipinaliwanag ni Catapang na sa pamamagitan ng malawakan at pinabilis na pulong ng Management screening and Evaluation Committee sa lahat ng BuCor’s OPPF, parami nang paraming PDL ang napapalaya sa ebalwasyon ng kanilang Good Conduct Time Allowance kasama na rito simula ng Enero 1-30, 2024 kung saan 632 PDLs ang napalaya sa pagkakabilanggo na 11.4 na porsiyentong mas mataas sa 20-month average releases na 567 PDLs.
Sa kasalukuyan ang BuCor ay nakapagsumite na ng 36,044 PDL Prison Records sa Board of Pardons and Parole para sa ebalwasyon, deliberasyon at resolusyon alinsubod sa DOJ Memorandum na may petsa na Setyembre 2023. (Bhelle Gamboa)