CIW nagdiriwang ng ika-93 taong anibersaryo
Ipinagdiriwang ng Correctional Institutions for Women (CIW) sa Mandaluyong City ang kanyang ika-93 taong anibersaryo na may temang “Empowering People, Improving Lives Towards Building a Law Abiding and Productive Community”.
Kasabay ng pagdiriwang, sinabi ni CIW Acting Superintendent, Atty. Daisy Sevilla-Castillote na inilunsad din ang CIW Cashless System sa bagong administrative building, namahagi ng food packs, hygiene kits at mga gamot na pinangunahan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Nabatid na umabot sa 3,138 na food packs, 3,138 hygiene kits at iba’t ibang gamot o medisina ang naipamahagi sa mga persons deprived of liberty (PDLs) sa CIW.
Kasabay nito naghandog ang CIW ng programang ‘Kiss Sabay Hug” nitong Araw ng mga Puso para sa mga PDLs mula sa CIW at New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Nagbigay ang BuCor ng pribilehiyo sa mga PDLs mula sa CIW na madalaw at makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay na nakakulong naman sa Bilibid.
Sinabi ni DG Catapang na ito ay bahagi ng ahensiya sa pagpapahalaga sa diwa ng pag-ibig sa selebrasyon ng Valentine’s Day.
Aniya, isinakay sa bus ang mga CIW PDLs patungong NBP para makasama sa simpleng pagdiriwang ang kanilang mahal sa buhay.
Matapos ang pagbisita ay kaagad na ibinalik ang mga PDLs sa CIW.
Ipinaliwanag naman ni Catapang na ang karaniwang pagbisita ng mga PDLs sa Bilibid at iba pang prison at penal farms ay pinapayagan kabilang ang conjugal visits. (Bhelle Gamboa)