Halos 5,000 sasakyan huli sa mahigpit na pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy
Sa loob ng isang buwan na mahigpit na pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy ng Land Transportation Office (LTO) ay umabot sa halos 5,000 mga sasakyan ang nahuli na ng mga otoridad.
Sa datos ng LTO, umabot na sa 4,864 ang nahuli ng kanilang mga enforcer sa buong bansa na pawang mga sasakyan na hindi rehistrado.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inaasahan niyang magpapatuloy ang agresibong operasyon sa pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy sa mga susunod pang buwan hanggang sa maiparehistro na 24.7 milyong motor vehicles na target ng LTO.
Sa Cagayan Valley Region nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga nahuling hindi rehistradong sasakyan na umabot sa 657.
Narito naman ang bilang ng mga nahuling sasakyan sa iba pang rehiyon:
Region VIII (Eastern Visayas) – 531
Region IV-B (MIMAROPA) – 514
Region IX (Zamboanga Peninsula) – 386
Region XI (Davao Region) – 357
Region XII (SOCCSKSARGEN) – 250
NCR – 251
Ayon kay Mendoza, sa mga susunod buwan ay mas paiigtingin pa ang operasyon lalo na sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON dahil base sa datos ng LTO, ang tatlong rehiyon ang may pinakamaraming bilang ng delinquent motor vehicles. (DDC)