3 bayan, 1 lungsod sa Albay, pinangangambahang tamaan ng lahar
Posibleng makaranas ng epekto ng lahar ang mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Daraga at lungsod ng Legazpi kung sakaling makaranas ng malakas na ulan ang lalawigan ng Albay.
Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Head Dr. Cedric D. Daep sa ginanap na Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) meeting, hindi pa direktang makakaapekto ang mga bagong deposito sa bulkan.
Subalit, ang mga lumang deposito o ‘significant deposits’ mula sa 2018 eruption ang posibleng ibuhos sa mga ilog at mga gulley na nasa may dalisdis ng bulkang Mayon.
Aniya, kung sakaling maranasan ang malalakas na ulan at umabot sa 60 milimetro kada oras ang ulan na mararanasan sa Albay, o kaya ay mayroong tumamang bagyo sa lalawigan, mas marami pang populasyon ang inaasahan na maaapektuhan at maaaring ilikas dahil sa inaasahan na malawakang trahedya. (DDC)