Eroplano ng Saudi Airlines sumadsad sa damuhang bahagi ng runway sa NAIA; mahigit 400 pasahero, ligtas
Isang eroplano ng Saudi Airlines ang sumadsad sa damuhang bahagi ng runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos mag-landing.
Rumesponde ang mga tauhan ng Manila International Airport Authority Fire and Rescue Division makaraang mag-emergency call ang Saudia Airlines flight SV862.
Ayon sa MIAA, lumapag sa Runway 06-24 ang eroplano dakong 1:47 ng hapon, pero ang anim na right landing gears nito ay sumadsad at napunta sa damuhan.
Lulan ng eroplano ang 420 na pasahero na pawang ligtas naman at hindi nasaktan.
Isinakay sila sa shuttle patungo sa NAIA Terminal 1.
Wala namang flights sa apat na terminal ng NAIA na naapektuhan sa nasabing insidente.
Tiniyak naman nina MIAA General Manager Eddie Monreal at CAAP Director General Capt. Jim Sydiongco ang mabilis na recovery operations sa eroplano. (DDC)