Yellow Warning itinaas ng PAGASA sa Zambales at Bataan
Nagtaas ng heavy rainfall warning ang PAGASA sa ilang lugar sa Zambales at Bataan dahil sa nararanasang patuloy at malakas na buhos ng ulan.
Batay sa inilabas na rainfall advisory ng PAGASA alas 5:00 ng umaga ng Lunes (August 10) yellow warning ang nakataas sa mga bayan ng San Antonio, Subic, at Olongapo sa Zambales gayundin sa lalawigan ng Bataan.
Samantala, mahina hanggang sa katamtaman at kung minsan ay malakas na buhos ng ulan naman ang nararanasan sa Metro Manila, Bulacan, at nalalabi pang bahagi ng Zambales.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga naninirahan sa mabababang lugar sa posibleng pagbaha.
Ang malakas na buhos ng ulan ay maari ding magdulot ng landslides sa mga bulubunduking lugar.