Wala pang UK variant ng COVID-19 sa bansa ayon sa DOH
Wala pang bagong variant ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ito ng Department of Health (DOH) kasunod ng pahayag pamahalaan ng Hong Kong na mayroong biyahero galing Pilipinas na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 pagdating doon.
Ayon sa pahayag ni Health Sec. Francisco Duque III, sa pinakahuling ulat ng Philippine Genome Center (PGC) wala pa ding bagong variant ng COVID-19 na nade-detect sa bansa.
Ito ay batay sa ginawang pagsusuri ng PGC sa 305 na positive samples na galing sa November to December hospital admissions at sa mga inbound travellers na nagpositibo sa COVID-19 pagdating nila ng paliparan.
Tiniyak naman ng DOH na nakikipag-ugnayan na sila sa International Health Regulations ng Hong Kong para makakuha ng impormasyon sa sinasabing biyahero na galing Pilipinas.
Nanawagan din ang DOH sa lahat ng local government units at transport regulators na patuloy na ipatupad ang health protocols.
Ayon sa DOH, anumang variant ng COVID-19 ang nilalabanan, dapat ay istriktong sundin ang minimum public health standards para makaiwas sa sakit. (D. Cargullo)