Visayas at Mindanao kabilang ang Davao dadalhan ng COVID Vaccine Express program ni VP Robredo
Hindi natinag si Vice President Leni Robredo kahit naakusahan ni Davao City Mayor Sarah Duterte na “politicking” sa 2022 elections ang dahilan ng pagpuna nito sa mataas na COVID cases sa Davao matapos mangako na dadalin ng Office of the Vice President ang COVID Vaccine Express Program sa Visayas at Mindanao bilang tugon na rin sa tumataas na kaso sa rehiyon.
Ang aksyon ni Robredo ay tugon sa naging apela ni Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez na palawigin ni Robredo ang drive-through vaccination program nito sa Visayas at Mindanao na nakakaranas ngayon ng paglobo ng COVID-19 cases.
Sa isang twitter post ay agad na nagpasalamat si Rodriguez sa mabilis na pag-aksyon ni Robredo.
“we need your project here in CDO to vaccinate more people. We need much help that we can get for my constituents in Cagayan de Oro City.” nakasaad sa tweet ni Rodriguez.
Sa nasabing twitter thread ay sumagot din si Sen. Panfilo Lacson na natuwa sa naging palitan ng aksyon ng dalawang opisyal.
Ang apela ni Rodriguez na mula sa Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) kay Robredo ay kasununud na rin ng pinakahuling OCTA Research findings kung saan tinukoy ang Davao City, Bacolod, Iloilo City, Cagayan de Oro at Tacloban bilang areas of concern sa COVID.
Nabatid na sa unang araw ng Vaccine Express initiative ni Robredo sa.Maynila ay nasa 2,275 tricycle, pedicab at delivery riders ang nabigyan ng bakuna bukod pa P500 fuel incentive.
Target ding isunod sa vaccine express program ang mga vendors.
Matatandaan na nagkaroon ng alingasngas kamakailan sa pagitan nina Robredo at Mayor Duterte ng masamain ng tila huli ang payo ng bise presidente na pag-aralan ng Davao City ang COVID approach ng Cebu City.
Ani Robredo mas malaki ang populasyon ng Quezon City subalit nangunguna ang Davao City sa mga LGUs na may mataas na naitatalang kaso ng COVID kada araw.
“The Vice President should refrain from giving advice if she knows nothing about what is happening on the ground,” nauna nang pahayag ni Mayor Duterte kung saan tinuran pa nito na kulang sa pang- unawa at kaalaman si Robredo at walang maitutulong para maresolba ang problema.
Sa Robredo-Mayor Duterte war ay ilang netizens ang nagpahayag ng kanilang pagpanig kay Robredo kabilang na dito si Pia Magalona, ang asawa ng yumaong si Francis Magalona.
Aniya, maling sabihin ni Mayor Duterte na walang alam ang Bise Presidente dahil sa katunayan ay nalalaman nito ang sitwasyon kaya may karapatan itong magkomento.
Giit naman ng netizen na si @Maldita Manila na ” the truth hurts” kung saan tinuring nitong pikon at walang modo ang sagot ni Mayor Duterte sa simpleng suhestiyon nI Robredo na pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.