Videoke dapat ipagbawal sa oras na may online classes – DILG
Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government units (LGUs) na magpasa ng mga ordinansa na magbabawal sa videoke, mga malalakas na tunog, nakakagambalang ingay sa panahon ng online class schedules habang ang milyon-milyong estudyante ay sumasailalim sa blended learning system.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo M. Año na ang mga malalakas na sounds sa panahon ng online class at mga study periods ay maaaring makasagabal sa mga estudyante at makasira sa kanilang konsentrasyon sa online classes, mga gawain sa paaralan at iba pang kaganapan ngayong ang mga bahay-bahay sa bansa ay naging parang extension ng mga paaralan.
“Bilang mga disiplinado at responsableng mga magulang at mamamayan, tulungan natin ang ating mga estudyante na mabigyan ng tahimik at payapa na kapaligiran para sila ay makapag-aral ng mabuti sa kani-kanilang mga tahanan,” ayon kay Año.
Ginawa ni Año ang pahayag bilang suporta sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan sa mga unit commanders at chiefs of police “ na maki-pagugnayan sa LGUs para gumawa ng batas o baguhin ang mga lokal na ordinansa sa paggamit ng videoke at iba pang mga aktibidad na lumilikha ng ingay na maaring maka-istorbo sa mga estudyante sa kanilang “study at home.”
Binigyang-diin ni Año na mahirap para sa mga estudyane na makapag-aral mula sa normal classroom sessions patungo sa distance at blended learning na hindi magagambala ng mga ingay mula sa mga kapitbahay.
Sinabi pa nito sa mga vehicle owners na iwasan ang mga maiingay na busina sa oras ng klase dahil ito ay makagagambala sa mga mag-aaral.
Bukod sa videoke party, inatasan din nito ang mga LGUs na ipagbawal ang mga maiingay na aktibidad katulad ng tupada, bingo, betting stations, drinking sprees,at iba pang uri ng kaingayan at ipagbawal ang mass gathering na maaaring maging daan sa community transmission ng COVID-19 virus.
Idinagdag pa ng DILG chief na ang “security, safety, at iba pang paraan na ipinatutupad ng PNP sa mga eskwelahan qy dapat palawakin kasama ang mga barangay bilang bahagi ng expanded learning space para sa patuloy na pag-iingat sa banta ng COVID-19.”
Kaugnay nito, ang mga estudyante ay bawal pa rin sa mga computer shops para makaiwas sa mga manlalaro ng mga maiingay na computer games. (END)