“Usapang Lalaki” at Palabra de Honor” – LAHAT MAY TAMA

“Usapang Lalaki” at Palabra de Honor” – LAHAT MAY TAMA

House Speaker, iyan ang taguri sa pinakamataas na posisyon sa Kamara de representantes, ikaapat naman sa law of sucession na maaring humalili sa Presidente ng Republika ng Pilipinas sakaling mabakante ang posisyon ng pangulo sa hindi inaasahang pagkakataon, tulad ng malubhang karamdaman o pagkamatay.

Pero hindi iyon ang isyu sa bangayang Alan Peter Cayetano versus Lord Allan Velasco. May isa na hindi tumupad sa 15-21 gentleman’s agreement na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nag-broker noong nakaraang taon para sa kanilang term sharing.

Technically, tapos na sana ang 15 month term ni Cayetano noong ika-30 po ng Siyembre, pero dahil may patutsada siya na hindi daw kaya ni Velasco na itimon ang mababang kapulungan kaya’t minarapat niya na ituloy ang pagiging House speaker.

Sa puntong iyon ay muling namagitan sa kanila ang pangulo at kalaunan ay sinabi ni Cayetano na sa ika-14 ng Oktubre ay bababa na siya sa puwesto para bigyan daan ang kinatawan ng Marinduque na humalili sa speakership post.

Pero taliwas ang nangyari nitong nagdaang Miyerkules matapos tutulan ng mayorya ng mga kongresista ang alok ni Cayetano na magbitiw bilang speaker.

Parang mali!, bakit kasi niya idinaan sa privilege speech in the First Place, at ilatag sa plenaryo ang kanyang resignation.

Hindi ba dapat otomatiko na lamang siyang bababa dahil iyon naman talaga ang napagkasunduan nila ni Rep. Velasco sa harap ng pangulo?

Di tuloy maiwasan ng iba na kuwestiyunin ang integridad at kredibilidad ni Cayetano. Kung di siya marunong tumupad sa gentleman’s agreement, e baka di siya tunay na lalaki o kaya naman sabi ng narinig ko sa barberya wala siyang balls.

Isa pang punto, parang kawalan ng respeto sa pangulo ang di niya pagsunod sa naturang usapan. Wala siyang PALABRA DE HONOR, hindi ba dapat panindigan na lamang niya ang kasunduan nila ni Velasco sa halip na bumanat pa siya at kuwestiyunin ang kakayahan ng huli na pamunuan ang Kamara?

Katulad ni Cayetano ay isa ring halal na Kongresista si Velasco, isang abogado, at naging Provincial administrator ng Marinduque, bakit kailangan kuwestiyunin ang kanyang kakayahan kung hindi pa naman napagbibigyan ng pagkakataon na pamunuan ang mababang kapulungan?

Masyado namang nagpapahalata si Cayetano sa kanyang kapritso para lamang sa personal na interes. WALANG GANUN MARS !

Dahil sa tila pag-High jack ni Cayetano sa budget deliberation noong Miyerkules, dahil inubos niya ang oras ng Kamara sa kanyang litanya ay nangangamba tuloy ang marami na baka hindi maipasa ng Kamara sa takdang panahon ang panukalang pambansang budget sa 2021.

Malinaw pa sa sikat ng araw ang motibo ni Cayetano, ituloy ang House speakership niya kahit garapalan ang dating sa madla.

Tanong tuloy ng magtataho na si Mang Ernesto, “ dapat pa bang tawaging Honorable yang mga yan Kung sila nga mismo hindi marunong tumupad sa napagkasunduan?”, May tama si Mang Ernesto, hindi po ba?

Pero higit sa lahat ay ang taumbayan ang tatamaan sa sigalot nina Cayetano at Velasco, kapag tuluyang nadiskaril ang pagpasa sa pambansang pondo.

Buwesit na ang mga Pinoy sa tila walang humpay na pamumulitika sa bansa sa halip na atupagin ang sinumpaang tungkulin na pagsisilbihan ang taumbayan sa abot ng kanilang makakaya.

Wala na yatang matino sa mga hangal sa posisyon kundi ang mga pansarili nilang kapakanan. Tama po ang nabasa ninyo, hangal sila sa posisyon.

Sa bandang huli ang mga pobreng mamamayan ang tatamaan dahil sa mga politiko na walang palabra de honor.

Por dios!

 

 

 

 

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *