UP may mala-Demilitarized Zone ayon kay Lorenzana
Inihalintulad ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa K-Drama na Crash Landing on You ang aniya ay pagkakaroon ng mala-Demilitarized Zone (DMZ) ng University of the Philippines.
Sa kaniyang post sa Twitter, nagtanong si Lorenzana kung ano bang espesyal sa UP at hindi maaring makapasok ang mga sundalo nang walang koordinasyon?
Ayon kay Lorenzana, hindi naman kaaway ang mga sundalo at sa halip ay tungkulin nilang protektahan ang publiko lalo na ang mga kabataan.
“Sa UP mayroon silang ala-Demilitarized Zone (DMZ). Military can’t enter without coordination. What makes UP so special? Nasa Korean border ba kayo? CLOY is life na ba? We are not your enemies. We are here to protect our people, especially our youth,” ayon kay Lorenzana.
Ipinaliwanag ni Lorenzana na ang 1989 agreement ay naging “obsolete” na kaya pinawalang bisa na ito ng DND.
“The agreement has become obsolete. The times and circumstances have changed since the agreement was signed in 1989, three years after the martial law ended,” dagdag ng kalihim.
Sinabi pa ni Lorenzana na ang UP ay naging safe haven na ng mga kalaban ng estado.
Ito aniya ang dahilan kaya kailangang kumilos ang DND para protektahan ang karapatan ng mas nakararami.
Dahil sa pagpapawalang bisa ng kasunduan, ang mga otoridad ay maari nang makapasok ng malaya sa UP kahit walang prior coordination. (D. Cargullo)