Undocumented migrants kabilang sa babakunahan sa ilalim ng Operation Surge Capacity ng Malaysia
Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Selangor at Kuala Lumpur sa Malaysia, inilunsad ng pamahalaan ng nasabing bansa ang Operation Surge Capacity.
Layon nitong mapabilis ang vaccination roll-out sa Selangor at Kuala Lumpur.
Sa abiso ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur , Malaysia, simula July 26 hanggang August 1 ay ipatutupad ang Operation Surge Capacity.
Sa ilalim din ng nasabing programa, simula sa August 1 ay tatanggap na ng walk-ins sa lahat ng vaccination centers sa Kuala Lumpur at Selangor.
Layunin nitong mabakunahan ang lahat ng residente na hindi pa nakatatanggap ng COVID-19 vaccine kabilang ang mga undocumented migrants.
Target ng pamahalaan ng Malaysia na pagsapit ng August 1 lahat ng nakatira sa Selangor at Kuala Lumpur na nasa wastong gulang ay bakunado na. (Dona Dominguez-Cargullo)