Umano’y “kill switch” ng isang TNC pinaiimbestigahan sa LTFRB
Ikinabahala ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang reklamo laban sa isang isang Transport Network Company o TNC dahil sa pagkakaroon umano nito ng come-on na “drive to own” at “kill switch” program na pang-akit nila sa mga providers.
Ayon kay LCSP founder Atty. Ariel Inton, ang sumbong ay mula umano sa mga Transport Network Vehicle Services o TNVS providers.
Sinabi ni Inton na nag-aalok ang TNC na sa halagang P20,000 ay lalakarin nila na magkaroon ng kotse ang aplikante, ang TNC na ang maglalakad ng provisional authority at prangkisa para marehistro ang sasakyan bilang TNVS at may technology pang tinatawag na “kill switch” kung saan ay maaari nilang ma-disable ang sasakyan at hindi umandar ang makina.
Proteksyon daw ito ng mga drivers at may-ari ng sasakyan laban sa mga carnappers dahil hindi nila mapapaandar ang sasakyan.
Dahil sa ganda ng offer at pahirapan maka-apply ng prangkisa bilang TNVS at marami ang pumatol sa naturalng alok ng TNC.
Ayon sa mga pumatol sa alok, madali nga silang nagkaroon ng sasakyan pero hindi naman agad nakakuha ng provisional authority o kaya ay prangkisa ang TNC.
Katwiran ng mga sangkot na indibidwal mula sa TNC, basta nasa platform sila ay maaari na silang mamasada at “bahala na sila sa huli”.
“Lumalabas kasing colorum ang mga ito dahil walang PA o prangkisa. Pero dahil may monthly na babayaran na ang mga may ari ng sasakyan ay napipilitan sila na mangolorum. Pero dahil hindi naman kalakasan ang pasada ng TNC ngayon ay hindi nakakabayad ng monthly payment ang kumuha ng sasakyan,” ayon kay Inton.
Dagdag pa ni Inton, “At heto ang malupit – maaari na i-disable o patayin ng ‘Kill Switch Program’ ng TNC ang makina ng sasakyan. Ibig sabihin ay hindi na ito aandar. At nangyari nga ito sa maraming providers na hindi makabayad ng monthly payment ng sasakyan. Ibig sabihin hindi sa carnapping invented ang ‘Kill Switch’ ng mga sasakyan kundi para kung hindi makabayad ang kumuha ng sasakyan ay madali sila ma-disable,”.
Tanong ni Inton, legal ba ang pinaiiral na ‘kill switch’ ng kuumpanya at may pahintulot pa ito ng car dealers at LTFRB?
Panawagan ng LCSP sa mga nabiktima ng naturang TNC, agad ipaalam sa LCSP para magawan ng aksyon.