UK variant ng COVID-19 naitala sa Montalban, Rizal
Kumpirmado nang may UK variant ng COVID-19 sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal.
Ayon sa Municipal Health Office ng Montalban, dahil sa pagkakaroon ng bagong variant sa bayan, mas magiging mabilis ang pagkalat ng sakit.
Batay kasi sa naung pahayag ng Department of Health (DOH) at ng World Health Organization (WHO) ang UK variant ng COVID-19 ay mas mabilis makahawa.
Dahil dito, muling nagpaalala ang MHO ng Montalban sa mga residente na mag-doble ingat at sumunod sa health and safety protocols na pinaiira.
Nakalulungkot isipin ayon sa MHO na isang taon na ang nakalipas mula nang unang pairalin ang lockdown sa bansa dahil sa COVID-19, gayunman, marami pa rin ang hindi marunong sumunod at tila walang takot.
“Sa ngayon…mas mabilis kumalat ang virus dahila sa bagong variant ng Covid 19 na nakapasok na sa ating lugar…..Pami-pamilya ang naaapektuhan…Mas mataas ang percentage ng mga namamatay….o di kaya natutubuhan…. Pero sa kabila ng mga ganitong sitwasyon…. Patuloy pa rin ang mga taong hinde marunong sumunod at walang takot,” ayon sa pahayag ng MHO.
Ang Municipal Health Office sa pamumuno ni MHO chief Dra. Carmela Javier ay hindi nagkulang kailanman sa pagpapaalala sa mga residente.
Sa kabila din ng banta ng sakit, tuluy-tuloy ang pagtatrabaho ng mga medcal frontliner sa bayan para masiguro ang kalusugan ng mga residente.
Dahil dito, apela ng MHO sa publiko, sundin ang mga panuntunan lalo na ang simpleng pagsusuot ng face mask at face shield sa labas ng tahanan.
“Paano na ang Bayan ng Montalban kapag ang mga FRONTLINERS ay nagkasakit dahil sa katigasan ng mga ugali ng mga taong hinde marunong sumunod sa simpleng pagsuot ng face mask at face shield?” dagdag pa ng MHO.
Batay sa huling datos, umabot na sa 1,899 ang total confirmed cases ng COVID-19 sa Montalban.
Sa nasabing bilang, 1,775 ang gumaling na at 46 ang aktibong kaso.
Pinakamaraming aktibong kaso ay sa barangay Burgos (18) at sa Barangay San Isidro (16).