TUCP muling humirit ng P470 na dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa
Muling naghagin ng petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para humirit ng dagdag na P470 sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Kasunod ito ng pagbasura ng NCR-Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa naunang petisyon ng TUCP dahil sa teknikalidad.
Sa pagbasura ng RTWPB, sinabing hindi sila maaring makapagbigay ng across the board na umento base sa hinihiling ng TUCP.
Sinabi ni TUCP President Raymond Mendoza, sa inihain nilang bagong petisyon ay hindi na nila isinama ang hirit na “across the board”.
Kinondena din ng TUCP ang RTWPB sa naging hakbang nitong pagbasura sa petisyon nang dahil lamang sa technicality, habang ang mga minimum wage earners ay grabe na ang nararanasang gutom.
Umaasa ang TUCP na mauunawaan ng ng RTWPB na hindi na ito tungkol lang sa technicality, kundi tungkol sa below poverty threshold na sahod na pinagkakasya na lamang ng maraming mga kababayan. (DDC)