Tricycle papayagang bumiyahe sa San Juan City
Papayagan ang pagbiyahe ng mga tricycle sa lungsod ng San Juan.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, nakipag-usap siya kay Interior and Local Government Sec. Eduardo Año upang mapayagang pumasada ang mga tricycle sa lungsod.
Kailangan lang ani Zamora ay isang pasahero lang ang isasakay ng tricycle at dapat sumunod ang mga driver sa minimum health standards.
“Mga minamahal kong mga San Juaneño, ako po ay nakipagusap kay DILG Sec. Eduardo Año ng IATF at ayon po sa kanya ay papayagan pong pumasada ang mga tricycle natin sa San Juan basta 1 lang ang pasahero nito, at dapat mahigpit na sundin ang minimum health standards gaya ng pagsuot ng mask, pagdisinfect ng tricycle at social distancing,” ayon kay Zamora.
Maaring sumakay sa mga tricycle ang ma sumusunod:
1) Frontliners
2) Authorized Person Outside Residence (APOR)
3) Ang mga nasa isang emergency situation
4) Ang mga may hawak ng valid na Quarantine Pass
Sinabi ni Zamora na magsasagawa ng spot checking ang mga tauhan ng San Juan Police at Task Force Disiplina para tiyaking nasusunod ang direktiba.