Telcos pinaghahanda ng NTC sa mga lugar na maaapektuhan ng Bagyong Bising
Inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga network company na tiyaking sapat ang mga tauhan sa mga lugar na tatamaan ng Bagyong Bising.
Sa nilagdaang memorandum order ni NTC Commissioner Gamaliel Cordova, ipinahahanda din ang mga generator na may extra fuel, tools at spare equipment.
Ayon sa NTC batay sa abiso ng PAGASA ang Typhoon Bising ay maaring magdulot ng hanggang sa malakas at kung minsan ay matinding pag-ulan sa Eastern Visayas at Camotes Islands.
Inatasan din ang mga telco na madaliian ang repair at restoration ng telecommunication services sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.
Sinabi ni Cordova na dapat ay makapagsumite ng status updates ang mga telco kada anim na oras sa kanilang isasagawang restoration activities.
Pinagtatalaga din ng Libreng Tawag at Libreng Charging Stations ang mga telco sa mga lugar na mawawalan ng kuneksyon.
Paalala ng NTC sa mga telco, makipag-ugnayan sa mga LGUs at tiyaking susundin ang health protocols.