Tatlong flood control projects sa Bataan nakumpleto na ng DPWH
Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng tatlong flood control projects sa Dinalupihan, Bataan.
Ayon kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar, ang mga bagong gawang flood walls ay pmagsisilbing proteksyon sa mga residenteng naninirahan sa mga Barangay Dalao, Maligaya, at Pita na malapit sa ilog.
Umabot sa P22.19-million ang inilaang pondo para sa 289.6-meter flood control structure sa Maligaya River at 305-meter wall sa Pita River.
Habang P43-million naman ang inilaang pondo para sa drainage system sa Dalao River na may habang 108-meters sa kaliwa at 267-meters sa kanan.
Ayon kay Villar, nakumpleto ang naturang proyekto sa kabila ng dagdag na requirements bunsod ng pagpapairal ng minimum health standards dahil sa pandemic ng COVID-19. (D. Cargullo)