Task Force binuo ni Sec. Mark Villar para imbestigahan ang katiwalian sa DPWH
Bumuo ng Task Force si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar para imbestigahan ang katiwalian sa ahensya.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na talamak pa rin ang katiwalian sa DPWH.
Bagaman sinabi ng pangulo na niniwala siyang hindi sangkot sa korapsyon si Villar.
Sa nilagdaang Department Order, bumuo si Villar ng Task Force Against Graft and Corruption.
Pinamumunuan ito ni DPWH Asec. Mel John Verzosa bilang chairperson at si Dir. Gliricidia Tumaliuan-Ali bilang Vice Chairperson.
Miyembro naman ng Task Force sina Michael Villafranca, Andro Santiago at Ken Edward Sta. Rita.
Inatasan ni Villar ang Task Force na alamin ang mga anomalya na posibleng kinasasangkutan ng mga opisyal at empleyado ng ahensya.
Matapos ito ay magsusumite ng rekomendasyon ang Task Force kay Villar sa karampatang aksyon na gagawin sa mga tiwaling opisyal at empleyado.