Tanggapan ng DOJ muling isinailalim sa lockdown
Iniutos ni Justice Secretary Menardo Guevarra na isailalim sa lockdown ang Department of Justice sa Padre Faura, Ermita, Maynila.
Ang hakbang ng kalihim ay dahil sa panibagong kaso ng COVID-19 na tumama sa mga kawani.
Sa text message, sinabi ng kalihim na may panibagong pitong kaso ng COVID-19 hanggang araw ng Huwebes, March 18.
Sa kabuuan, nakapagtala na ng 17 aktibong kaso ng COVID-19 sa DOJ.
Ayon sa kalihim, mula bukas, Biyernes, Marso 19, hanggang sa Martes, March 23, ay suspendido ang trabaho sa DOJ.
Lahat aniya ng kawani sasailalim sa work from home.
Ngunit tiniyak ng kalihim na may natitirang skeletal staff na tatanggap ng mga ihahaing dokumento at tutugon sa iba pang frontline services ng kagawaran.