Sta. Monica-Lawton Bridge na bahagi ng BGC-Ortigas Link binuksan na ng DPWH
Bukas na ang Sta. Monica-Lawton Bridge na bahagi ng BGC-Ortigas Link.
Itinaon sa paggunita ng Araw ng Kalayaan ang partial opening ng tulay na tatawagin ng “Kalayaan Bridge”.
Ayon kay Public Works and Highways Secretary Mark Villar, ang Kalayaan Bridge ang magkukunekta sa Lawton Avenue sa Makati City at Sta. Monica Street sa Pasig City.
“With the opening of this bridge, DPWH is a few steps closer into completing the entire BGC-Ortigas Center Link Road Project that will reduce travel time between Bonifacio Global City and Pasig City/Mandaluyong City to only 12 minutes, ayon kay Villar.
Ang 1.367-kilometer BGC-Ortigas Center Link Road Project ay kinapapalooban ng konstruksyon ng Sta. Monica-Lawton Bridge, rehabilitasyon at widening ng 362-meter Brixton (corner Reliance Street) patungong Fairlane Street, at konstruksyon ng 565-meter Lawton Avenue – Global City Viaduct.
Ang viaduct structure na babaybay sa Lawton Avenue hanggang sa bukana ng BGC ay target makumpleto sa huling bahagi ng 2021.
Sa sandaling matapos ng buo ang proyekto, mababawasan ng 20 percent ang traffic volume sa EDSA at C-5 Road.