SP Sotto tiniyak na hindi titiklop ang senado sa mga bumabatikos sa kanila
Tiniyak ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na hindi paapekto ang Senado sa anumang pagbabanta sa kanila.
Iginiit ni Sotto na hindi mangyayari ang nais ng ilan na tumigil ang Senado sa kanilang mga imbestigasyon partikular sa mga may kinalaman sa iregularidad.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio na nagsabing hindi maituturing na fair forum ang Senate Blue Ribbon Committee na tinawag pa nitong Kangaroo court.
Si Topacio ang tumatayong legal counsel ni Pharmally Pharmaceutical Corporation director Linconn Ong.
Samantala, umatras din si Ong sa nauna nitong kahilingan para sa executive session o closed door meeting kaugnay sa government procurement ng COVID-19 medical supplies mula sa kanilang kumpanya.
Sa kanyang handwritten letter na ipinadala sa Senate blue ribbon committee, sinabi ni Ong na batay na rin sa payo ng kanyang abogado, hindi na siya sasalang sa executive session.
Ipinaalala naman nina Sotto at Senador Richard Gordon na hindi sila ang nag-alok ng executive session at sa halip ay si Ong ang nagpahiwatig ng kagustuhan para rito upang maisiwalat ang kanyang mga nalalaman sa deal ng Pharmally sa gobyerno. (Dang Garcia)