Sotto kay Salceda: Huwag gamitin ang P10B na halaga ng Senate Bldg. sa DDR issue
Binuweltahan ni Senate President Tito Sotto si Albay Rep. Joey Salceda at sinabihang “unfair”na punahin nito ang Senado sa paggasta ng P10B para sa ipinatatayong New Senate Building sa Bonifacio Global City habang ang P2B na gagastusin para sa pagtatatag ng kinakailangang Department of Disaster Resilience(DDR) ay tinututulan nito.
Ayon kay Sotto hindi patas na ikumpara ang ginastos sa Senate Building dahil wala itong kinalaman sa isyu ng pagtayo ng ibang departamento, depensa ni Sotto, hindi naman ang mga kasalukuyang nakaupong Senador ang makikinabang sa modernong gusaling ipinatatayo kundi ang susunud na Senado na makatitipid ng malaki kumpara sa uupa pa sa GSIS ng P171M kada taon.
“Walang kinalaman yon sa pagtayo ng ibang departamento. It’s not fair to include that. Magkaiba yon, eh.Huwag niyang idikit ‘yon. Hindi naman kami ang huling makikinabang dito, ‘yong mga darating pang Senado.Imbes na nagbabayad sila, may sarili na silang building”depensa ni Sotto.
Hindi naiwasan ni Salceda na batikusin ang Senado na tumututol sa pagbuo ng DDR na ang katwiran ay kawalan ng pondo, giit ni Salceda,kung nahanapan ng P10B ang Senate Building ay dapat bukas din sa paggasta sa DDR na syang tutugon sa problema ng bansa sa panahon ng kalamidad.
Sa kabila ng pagtutol ng Senado,nanindigan ang Kamara na dapat isabatas ang DDR, bukod sa priority bill ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ay may pangangailangan para magkaroon na ng isang ahensya na tututok sa mga kalamidad.
Sa panig ni Surigao del Sur Rep Ace Barbers, kung magkakaroon ng DDR ay magkakaroon ng direksyon tuwing may kalamidad at hindi nagtuturuan at nagsisisihan.
Gayundin ang posisyon nina House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez at TINGOG party-list Rep. Yedda Marie Romualdez na nagsabing mababawasan o tuluyan nang mawawala ang bureaucratic red tape na nagiging sanhi ng delay sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.
Ngunit para sa Senado, kahit ipilit pa ng mga Kongresista ay hindi magandang ideya ang DDR at mas marami pang senador ang nagpahayag ng pagtutol dito.
Maliban kina Sotto, Sen Franklin Drilon, Dick Gordon at Panfilo Lacson naniniwala din si Sen Sherwin Gatchalian na dapat munang pag-aralan nang mabuti ang panukalang pagbuo ng DDR.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa ipinapanukalang DDR ay magiging centralized ang approach kumpara kung ang palalakasin sa disaster response ay ang Local Governmen Units(LGUs).
“Naging mayor din ako ng 9 years, ayaw natin ng isang napakabigat na centralized approach dahil kung lahat ng desisyon o tulong ay manggagaling pa sa Metro Manila ay talagang huli na. Hindi lang pondo problema dito, ang konsepto din. Gusto ba natin centralized o decentralized. Ang pananaw ng mga senador dapat nasa LGU ang kakayahan”paliwanag ni Gatchalian.
Ang panukalang pagbuo ng DDR ay isa sa priority measures ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address, agad itong naipasa sa Kamara sa huli at ikatlong pagbasa noong Setyembre 21 sa ilalim ng pamumuno ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa loob ng halos 1 buwan ay 5 maalakas nabagyo ang pumasok sa bansa kabilang ang bagyong Ofel,Quinta, Rolly, Tonyo at Ulysses na partikular na napuruhan ang Bicol Region at Metro Manila, ani Salceda sa nagdaang mga bagyo ay kitang kita ang kahinaan sa pagtugon ng bansa sa kalamidad.
Sa malamyang pagtugon pa rin ng Senado sa panukala na 4 na beses nang sinabi ng Pangulong Duterte umaasa na lamang umano si Salceda sa political leadership ng administrayon at umaasa syang gagamitin na ang pwersa ng Duterte Coalition sa Senado para maisabatas ito.