Solidarity vaccine trial ng WHO sa Pilipinas malapit nang simulan
Malapit nang umpisahan ang solidarity trial ng COVID-19 vaccine ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ni Department of Science and Technology o DOST Usec. Rowena Guevarra sa virtual press briefing ng Department of Health o DOH.
Ayon kay Guevarra, sa katapusan ng Enero o kaya ay sa unang bahagi ng Pebrero sisimulan ang WHO solidarity trial.
Gagawin aniya ito sa National Capital Region.
Mula sa dating P89.1 million ay itinaas sa P384.4 million ang pondo para sa solidarity trials.
Kasunod ito ng hirit ng WHO na dagdagan ang target participants.
Kinumpirma rin ni Guevarra na nais ng WHO na maging 15,000 na ang participants para sa solidarity trials, mula sa inanunsyo noon na 4,000 lamang.
Hindi naman pa tinukoy ni Guevarra kung anong bakuna ang ipapadala ng WHO para sa solidarity trials sa Pilipinas.
Patuloy aniya ang recruitment sa bansa ng mga participant at maging ng dagdag na manpower. (D. Cargullo)