Simulation para sa pagbabakuna sa mga senior citizen isinagawa sa Maynila
Bilang bahagi ng paghahanda sa mass vaccination sa lungsod ng Maynila ay nagsagawa ang Manila Health Department ng COVID-19 simulation para sa mga senior citizen.
Idinaos ang simulation sa Legarda Elementary School, kung saan umabot sa humigit-kumulang 100 na mga lolo at lola ang nakibahagi.
Ayon kay Manila Health Department Dir. Dr. Arnold Pangan, ito ay base na rin sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno na masigurong maisasagawa ng maayos ang immunization sa lungsod sa oras na dumating ang mga suplay ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Dr. Pangan, mahigit 157,000 ang mga senior citizen sa buong Maynila kaya malaking hamon para sa lokal na pamahalaan ang pagbabakuna.
Gaya ng mga nakalipas na simulation, isinagawa ang tatlong proseso mula sa registration, hanggang sa mismong pagturok ng mga bakuna.
Bahagi din ng simulation ang pagtukoy kung may kasalukuyang sakit ang mga senior citizen.
Tianong sila kung sila ba ang may highblood pressure, hika at iba pang underlying conditions, na mahalaga sa vaccination.
Sa Maynila, ang mga senior citizen ay kabilang sa mga prayoridad sa mass vaccination at mga bakuna ay libre.