Senator Bong Go bukas sa imbestigasyon sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam

Senator Bong Go bukas sa imbestigasyon sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam

Makikiisa si Senator Christopher “Bong” Go kung magkakasa ng imbestigason kaugnay sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam na maaring naging dahilan ng malawakang pagbaha sa Cagayan Valley.

Sinabi ng senador na sa isasagawang imbestigasyon, matutukoy naman kung talagang may kailangang managot at malilinis din naman ang pangalan ng mga walang pananagutan.

“Ako po, willing akong mag-participate (sa imbestigasyon). ‘Yung totoo lang po, kung may kasalanan, managot. Kung wala naman, i-clear natin,” ayon sa senador.

Pagkakataon din ito ayon kay Go na maisulong ang layuning pagbutihin ang disaster resiliency sa mga komunidad.

Mahalaga ayon kay Go ang pagkakaroon ng malinaw na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng local government units sa pagresponde sa mga kalamidad.

“Since tuloy tuloy po ang baha, dapat planuhing mabuti dahil di natin kontrolado kung kelan lalakas ang ulan. Kaya dapat maging balanse po ang pag-release ng tubig ng dams. Well-coordinated po dapat ang national government at affected LGUs,” dagdag ng senador.

Importante din ayon kay Go ang pagkakaroon na ng relokasyon sa mga lugar na paulit-ulit nang nakararanas ng pagbaha.

“Importante po sa akin ang buhay ng bawat Pilipino more than anything else. At kung mayroon man tayong maitutulong para maiwasan ang ganitong pangyayari at mailigtas ang ating mga kababayan sa sakuna, pag-aralan at gawin po natin,” saad ni Go.

Kamakailan binanggit ng senador sa isang panayam na papanagutin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga responsable sa sandaling makiitaan ng iregularidad sa pagpapakawala ng tubig sa Magat dam.

“Kilala naman natin ang ating Pangulong Duterte. Kapag meron kang responsibilidad o ikaw ang may kasalanan, panagutan mo ‘yan. Kung ikaw, namuno at may nakitang iregularidad dahilan na may namatay, that’s your responsibility,” ayon pa kay Go.

Tinawala naman si Go sa judgment call at kakayahan ng National Irrigation Administration. Kailangan lang aniyang well-coordinated sa LGUs tuwing magkakaroon ng pagpapakawala ng tubig sa mga dam upang agad maabisuhan ang mga residente.

Magugunitang naninindigan ang NIA na hindi ang pagpapakawala ng tubig sa Magat dam ang dahilan ng pagbaha sa Isabela at Cagayan.

Ayon pa sa NIA, nagbigay sila ng abiso at babala bago ang pagpapakawala ng tubig.

Samantala, nakipagpulong si Go sa Region II Regional Development Council at Regional Peace and Order Council na binubup ng provincial government officials para talakayin ang recovery at rehabilitation sa mga nasalanta ng pagbaha.

“Kahapon, nagpulong kami, inimbitahan ako ng RDC, RPOC ng Region II. Nandun ang iba’t ibang governors. Isa po ito sa napag-usapan at mapabilis ang rehabilitation ng Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Ecija,” ani Go.

Tinalakay aniya sa pulong ang pagpapabilis ng rehabilitasyon sa mga naapektuhang lugar.

Ani Go, nangako si DENR Secretary Roy Cimatu na tutulungan nila ang Cagayan at Isabela na agad makabalik sa normal katuwang si DPWH Secretary Mark Villar. /

 

 

 

 

 

admin

admin

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *