Senado binanatan ni Rep. Salceda: DDR inayawan, pero P10B na halaga ng Senate Bldg. sa BGC inaprubahan
Hindi napigilan ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Rep Joey Salceda na pasaringan ang Senado at ikumpara ang ginawang paggasta nito ng bilyong piso para makalipat at makapagpapagawa ng modernong Senate Building sa Bonifacio Global City(BGC) sa Taguig City habang pinanghihinayangan nitong gastusan ang pagtatatag Department of Disaster Resilience(DDR) na syang pangmatagalang solusyon sa problema sa panahon ng kalamidad na pakikinabangan ng mas maraming Filipino.
Ayon kay Salceda nakapasimple ng argumento sa DDR at makikita dito ang kanya kanyang priorities ng bawat isa, aniya, nasa P2B lamang ang pondong kakailanganin para sa reorganisasyon ng bubuuing DDR malayo sa halos P10B na halaga ng ipinatatayong gusali ng Senado.
“Gastos din pala ang paglipat sa BGC, sige mas unahin na nila yun”pasaring pa ni Salceda.
Muling lumakas ang panawagan sa pagtatag ng DDR, ang ahensyang tututok sa panahon ng kalamidad, matapos na rin ang pananalasa ng Bagyong Rolly sa Bicol na ikinasawi ng 20 katao at nasa P5.8B ang nasirang imprastrakstura.
Ang pagtatatag ng DDR na isa sa priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte ay aprubado na sa Kamara sa ilalim ng liderato ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano gayunpaman nanatili itong nakabinbin sa Senado at tinututulan nina Sen Panfilo Lacson at Dick Gordon sa katwirang walang pondong pagkukuhaan ng pagbuo pa ng panibagong ahensya.
Iginiit ni Salceda na permanenteng solusyon ang kailangan para mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa bansa kaya isinusulong ng Kamara na palitan ang NDRMMC na isa lamang council at palitan ng DDR na magiging isang permanent agency.
“ang NDRMMC umaasa lang sa kontribusyon ng ibang members gaya ng pagpapalabas ng warning sa DOST, sa relief ay sa DSWD, ang rehabilitasyon ng mga kalsada sa NEDA at pagresponde sa DILG.Ang nangyayari ay kalat kalat at hindi integrated ang pagtugon sa kalamidad kaya mabagal sa response at rehabilitation”pahayag ni Salceda.
Inihalimbawa ng mambabatas ang nangyari sa Supertyphoon Yolanda na 9 na taon na ang nakalipas mula nang manalasa ito ngunit hindi pa natatapos ang rehabilitasyon dahil kung kani-kaninong ahensya inaasa ang pangangasiwa dito na malayo kung may DDR na magsisilbing primary agency na magiging responsable sa paghahanda sa mga sakuna, habang nahaharap ang bansa sa sakuna at pagkatapos ng sakuna.
Iginiit ni Salceda na ang ginagawang pagpigil ng Senado sa pagbuo ng DDR ay maling mali.
“maraming mamatay sa gusto ng Senado, ang gustong nilang sabihin na inevitable na may mamamatay sa sakuna pero ito ay preventable kung mayroon tayong institusyon, hindi dapat na surrender na tayo at tanggapin na lang na pag may sakuna may mamamatay na 10 katao, anong klaseng logic yun” ani Salceda.
Ang tinutukoy ni Salceda naSenate Building na gagastusan ng P10B ay 11 storey tower na matatagpuan sa 1.8 hektartang Navy Village na pinangangasiwaan ng Bases Conversion Development Authority (BCDA).
Si Sen Lascon na Chairman of Committee on Accounts at si Sen. Sherwin Gatchalian ang syang prime movers sa paglipat ng Senado sa BGC, si Gatchalian ang syang naghain ng resolusyon na bumuo ng special committee na magsasagawa ng feasibility sa paglipat at pagpapatayo ng sariling gusali ng Senado habang si LAcson ang nangasiwa sa funding.
Una nang ipinagtanggol ni Lacson ang malaking pondo ng Senate Building na malaking katipiran kumpara sa umuupa ang Senado ng P171M kada taon sa GSIS.
Nasa P4.58B ang inisyal na gastos sa gusali ngunit nadoble ito dala ng inflation sa construction cost at ang kontrobersiyal na Hilmarc’s Construction na una nang inimbestigahan ng Senado dahil sa maanomalyang pagpapatayo ng Makati City Hall building ang nakakuha ng kontrata.
Target na maging fully operational ang bagong Senate building sa 2022.
30