Sec. Duque tutol na payagan ang paglabas ng mga menor de edad
Hindi pa rin nagbabago ang posisyon ng Department of Health o DOH hinggil sa usapin ng pagbabawal sa paglabas ng mga bata, habang may banta pa rin ng COVID-19.
Sa kanyang pagharap sa virtual press briefing ng DOH, sinabi ni Sec. Francisco Duque III na patuloy na dini-discourage ng Kagawaran ang mga bata na lumabas ng kanilang mga tahanan, gaya ngayong Holiday Season.
Ani Duque, may risk o banta pa rin ng COVID-19 at maraming impormasyon na pumapasok ngayon hinggil sa naturang sakit.
Aniya, halos 3 hanggang 5 porsyento ng mga tinamaan ng COVID-19 ay mga bata, kaya nangangahulungan na hindi sila exempted sa sakit.
Posible rin hawaan dahil maaaring hindi sila magpakita ng malubhang sintomas at pwedeng sila ang maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19.
Babala ni Duque, baka magkaroon ng mataas na infection rate kaya mas mabuting huwag na munang lumabas ang mga bata.
Samantala, sinabi ni Duque na nasa mga lokal na pamahalaan pa rin ang desisyon kung papayagan na ang paglabas ng mga bata.
Pero dapat ay magkaroon ng ordinansa ukol dito, ngunit mas maganda pa rin aniya kung ibabawal pa rin nila.