Retired General Ronnie Evangelista naghain na ng COC tatakbong mayor sa Montalban, Rizal
Nakapaghain na ng kaniyang Certificate of Candidacy si Retired General Ronnie Evangelista na tatakong alkalde sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal.
Magkakasabay na naghain ng kanilang COC ang line-up ng tinaguring “Team Heneral”.
Si Evangelista ay retiradong heneral at 34 na taon na nanilbihan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at miyembro ng Sinagtala Class 1986.
Ka-tandem ni Evangelista, si Jun Caparas na tatakbong bise-alkalde.
Si Caparas ay isa ring retiradong heneral at dating bahagi ng Presidential Security Group ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ang “Team Heneral” ay tatakbo sa ilalim ng PDP-Laban.
Narito naman mga tatakbong konsehal sa ilalim ng line-up ng “Team Heneral”:
Dra. Carmela Javier
Mark David Acob
Sam Balibalos
Erning Bautista
Epong Cruz
Mike Patulot
Ivan Rodriguez
JT Torio
Dating MHO Chief ng Montalban kasama sa line-up ng “Team Heneral”
Si Dra. Carmela Javier ay matagal na nanilbihan bilang pinuno ng Municipal Health Office ng Montalban.
Naging kontrobersiyal pa ang desisyon ng Pamahalaang Bayan ng Montalban na alisin sa pwesto si Javier at ilipat sa ibang pwesto sa kasagsagan ng pagtugon sa pandemya ng COVID-19.
Dahil sa pasya ng LGU na ilipat siya sa ibang pwesto, nagpasya na lamang si Javier na magbitiw.
Noong panahon ni Javier bilang MHO chief ay naging maayos ang pagtugon sa pandemya kabilang ang proseso ng pagbabakuna kontra COVID-19.
Katunayan noong siya ang MHO chief, si Javier ang nagmungkahi ng pagkakaroon ng crematorium upang mapakabinabangan ng mga residente ngayong mayroong pandemya.
Marami ring mga residente ng bayan ang nakinabang sa mga pagbabago na ipinatupad ni Javier sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan noong panahong siya ay MHO chief.
Si Javier din ang nagsulong na magkaroon ng libreng Dialysis Center sa bayan. (BVD)