Rebellion case laban kay dating Sen. Antonio Trillanes IV, tuluyan nang binasura ng Court of Appeals
Ibinasura na ng Court of Appeals ang rebellion case ni dating senator Antonio Trillanes IV.
Magugunitang muling binuhay ang kaso sa Makati Regional trial Court nang bawiin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestya na ibinigay kay Trillanes noong 2018.
Sa desisyon ng CA Sixth Division, binaligtad nito ang utos ni Makati Regional Trial Court Branch 150 Judge Elmo Alameda.
Ayon sa CA, si Alameda rin ang hukom na nagbasura sa rebellion case ni Trillanes noong 2011 Trillanes matapos ang certificate of amnesty na ipinagkaloob ng dating Pangulong Noynoy Aquino.
Nag-ugat ang kaso ni Trillanes nang okupahin ang Oakwood Hotel sa Makati City noong 2003 at ang Manila Peninsula Hotel noong 2007, noong siya ay isa pang Navy officer, kung saan kasama nito ang Magdalo soldiers.
Ito ay bilang bahagi ng kanilang protesta laban sa administasyon noon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Pitong taon noon na nakulong si Trillanes at noong 2011 ay binigyan siya ng amnestiya ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Una na ring ibinasura ni Makati RTC 148 Judge Andres Soriano ang mosyon ng DOJ para buhayin ang hiwalay na kasong kudeta ni Trillanes.