“PSG siguradong may tama sa ‘di rehistradong bakuna kontra COVID” – LAHAT MAY TAMA ni RICKY BROZAS
Windang ang madlang pipol sa tila wala sa hulog na pagpapa turok ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ng bakuna kontra COVID-19 na hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration.
Wala din sa kasi sa hulog ang paliwanag ni PSG chief Brigadier General Jesus Durante na sarili lamang niyang desisyon na bakunahan ang kanyang mga kasapi sa PSG at walang kinalaman ang presidente?
Di kapani-paniwalang ang ganuong tugon ni Durante lalot hindi naman siya eksperto sa bakuna o wala man lamang kinalaman sa medisina ang kanyang propesyon para magpasya base lamang sa kanyang kapritso!
Hamon tuloy ngayon ni Senate Minority leader Franklin Drilon na sumailalim si Durante sampu ng kanyang mga galamay sa PSG sa senate Investigation.
Pawang alibis, excuses at lies lamang daw kasi sabi ni Drilon ang mga tugon ni Durante kung bakit pinagamit ni Durante ang mga donasyong bakuna na hindi pa sertipikado ng FDA.
Nais malaman ng senado, sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng senate Committee of the whole ang COVID-19 vaccine plan ng gobyerno kasama na ang hindi otorisadong pagpapabakuna ng mga taga-PSG.
Malinaw na may paglabag sa batas itong si Durante at hindi katanggap-tanggap ang kanyang mga tinuran na nais lamang nilang protektahan ang Commander in Chief kaya’t inilihim niya ang hakbang.
Kung totoo man na hindi alam ng tanggapan ng pangulo ang naging pasya ni Durante ay lilikha ito ng agam-agam sa publiko na wala sa hulog o hindi transparent ang mga nakapalibot sa presidente lalo pa at mandato nila ang protektahan ang kaligtasan, kaayusan at seguridad ng Punong ehekutibo.
Kung tutuusin ay maraming batas ang nilabag ni Durante et al, kabilang na ang hindi otorisadong importayon ng mga bakuna na ginamit ni Durante.
Alam natin na halos lahat ng mga bansa sa buong mundo ay nagmamadali nang makakuha ng bakuna kontra COVID, subalit ang bawat hakbang ay dapat masusing pinag-aaralan, hindi minamadali at higit sa lahat hindi minamaniobra para nakatitiyak tayo sa kasiguraduhan o kaligtasan ang itatarak sa ating katawan na pangontra sa pandemya.
May kasabihan tayo na “no one is above the law” kaya’t marapat na magpaliwanag sa taumbayan ang PSG Commander, dahil kung palalampasin natin ang mga kahalintulad na gawi, lahat tayo ay tatamaan.