Presyo ng gasolina aabot sa P86 per liter; diesel aabot sa P81 ayon sa DOE
Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na posibleng pumalo sa hanggang P86.72 ang presyo ng kada litro ng gasolina habang P81.10 pesos sa diesel kung magpapatuloy sa pagtaas ang global prices.
Sinabi ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr. na hindi lamang ito problema ng executive department, kundi ng lahat ng sektor sa pamahalaan.
Sa nakalipas na sampung linggo ay dire-diretso ang paglobo ng presyo ng mga produktong petrolyo, at inaasahan pa ang pinakamalaking pagtaas bukas, bunsod ng krisis sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa DOE, as of March 14 o ngayong araw, ay sumampa na sa 120.34 dollars per barrel ang Dubai crude price.
Ipinaliwanag ni Erguiza na batay sa galaw ng presyuhan sa mga nakalipas na linggo, posibleng umakyat sa P79.39 ang kada litro ng gasolina, P75.59 sa diesel, at P76.83 sa kerosene.
Sakali aniyang magpatuloy pa at umabot sa 140 dollars per barrel ang dubai crude oil, papalo sa P86.72 ang kada litro ng gasolina, P81.10 sa diesel, at P80.50 sa kerosene. (Infinite Radio Calbayog)