Pondo para sa bakuna sa mga teenager isama dapat sa 2022 budget
Iginiit ng mga senador na bigyang prayoridad sa sa 2022 National Budget ang procurement ng bakuna para sa kabataan.
Sinabi ni Senate Finance Committee Chairman Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara, kailangang maisama na ang mga bata sa pagbabakuna.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi na kailangan ng special budget para sa bakuna sa teenagers at dapat na lang gawin ay maayos na pamamahala ng vaccine program.
Idinagdag ni Drilon na maaari ring mag-realign ng pondo mula sa mga hindi nagastos na budget sa 2020 at 2021 General Appropriation Act.
Inihalimbawa ni Drilon ang 11 bilyong pisong naka-park sa Philippine International Trading Corporation na pwedeng gamiting pambili ng bakuna.
Sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na dapat isama na sa National Expenditure Program ng executive department ang pondo para sa bakuna sa kabataan.
Naniniwala naman si Senador Ralph Recto na may sapat pang pondo para pambili ng bakuna dahil karamihan ng ginagamit na vaccines ay mula sa donasyon.
Subalit inamin ni Recto na kailangang sa susunod na taon ay magkaroon na rin ng hiwalay na pondo para sa bakuna.
Iginiit din ni Recto na dapat tiyakin ng gobyerno na ang mga bibilhing bakuna ay mga epektibo at huwag masyadong umasa sa Sinovac. (Dang Garcia)