PNP nagsasagawa na ng manhunt operation sa suspek sa tangkang pananambang sa mayor sa Maguindanao
Nagsasagawa na ng province-wide pursuit operation sa Maguindanao para maaresto ang mga suspek sa pambobomba sa convoy ni South Upi Mayor Reynalbert O. Insular kahapon (Jan. 3).
Sa ulat ni Police Brigadier General Samuel Rodriguez, isa ang nasawi habang apat na iba pa ang sugatan nang sumabog ang Improvised Explosive Device (IED) habang dumadaan ang convoy ni Mayor Insular sa bisinidad ng Barangay Pandan at Barangay Pilar sa South Upi.
Hindi naman nasaktan si Mayor Insular sa pag-atake.
Mabilis ding nakaresponde ang mga tauhan ng South Upi Municipal Police Station at 57th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Kinilala ang nasawi na si Thelmo Divinagracia Sase, 28 anyos.
Habang sugatan naman sina John Tumbaga, 30 anyos; Christian Sase, 22 anyos; Ernesto Debang, 53 anyos; at Leonard Betita, 20 anyos. (D. Cargullo)