PNP mahigpit na nakabantay sa mga protesta kaugnay sa anibersaryo ng Martial Law
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na masusi itong nakabantay sa mga posibleng isagawang protesta ngayong anibersaryo ng Martial Law.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, inatasan na niya ang lahat ng police officers at police units na maging alerto sa mga posibleng pagkilos.
Pinatitiyak ni Eleazar na masusunod ang public health protocols kung magkakaroon ng mga protesta.
“Inaasahan natin ang mga kilos-protesta sa araw na ito kaya inatasan ko na ang ating kapulisan lalo na sa Metro Manila to ensure that peace and order and public health protocols are observed,” ani Eleazar.
Inatasan din ng PNP chief ang mga pulis na ipatupad ang maximum tolerance sa mga magpoprotesta.
Hinimok ni Eleazar ang mga grupong nagpaplanong magsagawa ng pagkilos na gawin ang kanilang prgrama o protest actions gamit ang online platforms.
“Nirerespeto ng inyong PNP ang pagsasagawa ng mga kilos-protesta kaya inaasahan din natin na igagalang din ng mga nagpro-protesta ang mga alituntunin upang matiyak ang inyong kaligtasan lalo na sa panahon ng pandemya,” dagdag ni Eleazar. (DDC)