PNP magsasagawa ng inspeksyon sa mga quarantine hotels
Pinababantayan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) ang mga quarantine hotels.
Kasunod ito ng ilang insidente ng pagtakas sa quarantine ng mga returning overseas Filipinos.
Partikular na iniutos ni DILG Secretary Eduardo M. Año sa PNP na magsagawa ng sorpresang inspeksyon sa mga accredited quarantine hotels sa bansa.
Inatasan ni Año si PNP Chief PGen Dionardo Carlos na mag-deploy ng mga pulis sa iba’t ibang quarantine hotels para masiguro na ang nananatili doon ang mga kailangang sumailalim sa quarantine.
Hihilingin aniya ng PNP ang listahan ng mga pangalan ng mga dapat nakasailalim sa quarantine mula sa Bureau of Quarantine.
Kasabay nito inatasan din ng DILG ang PNP na tumulong sa mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng Alert Level 3. (DDC)