Pasig City Mayor Vico Sotto isa sa mga kinilala bilang ‘anti-corruption champions’ ng Biden Administration
Naglabas ng listahan ang Biden Administration ng mga ‘anti-corruption champions’ mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa naturang listahan, kasama si Pasig City Mayor Vico Sotto na inilarawan ng Biden administration bilang ‘standard-bearer’ ng bagong henerasyon ng mga pulitiko na nakasentro sa transparency.
Sa inilabas na report na may titulong “Recognizing Anticorruption Champions Around the World” inilahad kung paanong tinalo ng 29 anyos na si Sotto ang incumbent mayor sa Pasig na ang pamilya ay 27 taon nang namayani sa lungsod.
Kinilala din ang paglaban ni Sotto sa korapsyon at pagtitiyak na walang kickbacks sa pag-aaward ng mga kontrata.
Ang International Anticorruption Champions Award ay inilunsad ni US Secretary of State Antony Blinken para kilalanin ang mga indibidwal sa mundo na nagpakita ng leadership, courage, at nagkaroon ng impact sa paglaban at paglantad sa korapsyon.
Kahanay ni Sotto bilang Anticorruption Champions ang mga opisyal mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Ukraine, Albania, Libya Ecuador, Guatemala at iba pa.