Pasahero ng PAL na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 pagdating ng Hong Kong; negatibo sa COVID test bago umalis ng Pilipinas
Negatibo sa kaniyang COVID-19 test ang pasahero ng Philippine Airlines (PAL) bago ito sumakay sa flight patungong Hong Kong noong December 22.
Ang nasabing pasahero na hindi pinangalanan ng PAL ay unang tinukoy ng mga otoridad sa Hong Kong na positibo sa UK variant ng COVID-19 nang dumating doon galing Pilipinas.
Sa pahayag na inilabas ng PAL, nagsumite ng negatibong COVID-19 test ang pasahero bago sumakay sa flight dahil requirement ito ng Hong Kong Government para sa mga biyahero.
Samantala, sinabi ng PAL na nai-turnover na nila sa Bureau of Quarantine ang mga kailangang impormasyon para makapagsagawa ng contact tracing sa mga nakasabay ng pasahero sa PAL flight PR300.
Tiniyak din ng PAL na nakikipag-ugnayan ito sa health authorities at istriktong nagpapatupad ng health at safety protocols sa kanilang mga biyahe. (D. Cargullo)