Panukalang batas para mapagbuti ang mga sports program at matulungan ang mga atleta ng bansa isinulong ni Senator Bong Go
Upang matiyak ang pagkakaroon ng the long-term sports development program sa bansa, inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2001 o ang Philippine National Games Act.
Ayon kay Go, nais niyang mas mapagbuti pa ang mga sports program sa bansa na huhubog sa mga atleta.
“I continue my advocacy to promote sports in the country with this bill that, I know, will further the development of our sports programs and eventually shape more athletes into champions,” ayon kay Go.
Layunin ng batas na gawing institutionalize ang komprehensibong national sports program sa bansa.
Ayon kay Go, nakasaad din sa Saligang Batas ng bansa na dapat i-promote ng estado ang physical education at hikayatin ang pagkakaroon ng sports programs, league competitions, at amateur sports para matulungan ang mga mamamayan na magkaroon ng self-discipline, teamwork.
Kasama dito ang pagsasagawa ng pagsasanay para sa mga international competition.
Ayon kay Go, ang sports ang isa sa mga paraan upang mabigyan ng holistic growth ang mga kabataan at ilayo sila sa mga masasamang bisyo, tulad ng iligal na droga.
“Gusto nating lumaki ang ating kabataan na may disiplina, pakikipagtulungan, bayanihan at, higit sa lahat, pagmamahal sa bansa. Alam kong sa sports din natin ito masisilayan,” dagdag ng senador.
Sa ilalim ng panukala, hinihikayat ang mga local government official na i-promote ang sports sa mga barangay, bayan, munisipalidad, lungsod at probinsya.
Kung ikukumpara sa Palarong Pambansa, sa ilalim ng PNG ay magkakaroon din ng national sports competition na ibabase sa talent identification, selection at recruitment ng mga atleta.
Kasama din sa pipiliin ang mga mag-aaral. Maari din silang sanayin para sa international sports competition.
Sa sandaling maging ganap na batas ang Philippine Sports Commission (PSC) ang mamamahala sa Philippine National Games (PNG), kabilang dito ang pagsasagawa ng koordinasyon at pagpapatupad ng mga programa.
Umaasa din si Go na matutugunan ng batas ang mga hamon na kinakaharap ng bansa sa international competitions, gaya ng Olympics at Asian Games.
Magugunitang noong 30th Southeast Asian Games na ginanap sa bansa noong 2018, ang Pilipinas ay itinanghal na overall champion.
“Kung maganda ang ating sports program sa bansa, hindi malayong maraming kabataang Pilipino ang sasali na sa mga programa. Kaya naman dapat mabigyan natin ng buong suporta, lalo na sa financial aspect at development programs, ang ating mga atleta,” ayon pa kay Go.
Si Go din ang may akda ng Republic Act 11470 na kamakailan ay nilagdaan bilang ganap na batas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng naturang batas ay itinatatag ang National Academy of Sports kung saan sa secondary education program nito ay daoat isama ang special curriculum on sports para sa mga kabataan at potensyal na Filipino athletes.
Magbibigay din ng scholarship ang NAS sa mga kwalipikadong natural-born secondary school students.
“Patuloy kong hinihimok ang ating mga kabataan na pumasok sa sports. Sa pamamagitan ng pagsulong ng mga panukalang ito, maibibigay natin ang suporta sa kanila,” ayon pa kay Go.
Sinabi ni Go na sa kabila ng pandemyang nararanasan sa bansa, mahalagang magpatuloy ang mga programa para suportahan ang mga atleta.
Umapela naman si Go sa mga concerned na ahensya na ituloy ang pagre-release ng allowance sa mga kwalipikadong national athletes. (D. Cargullo)
“One team, one goal, let us heal and recover as one! Patuloy ang ating suporta sa mga atletang Pilipino, hindi lamang sa kompetisyon kundi pati rin sa oras ng kanilang pangangailangan. Magbayanihan po tayo,” sinabi pa ni Go.