Pangulong Duterte handang bumaba sa pwesto kapag nawala ang suporta ng militar
Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang bumaba sa puwesto kapag nawala na ang suporta sa kanya ng militar.
Sa kanyang public address, Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na wala nang saysay na magtrabaho siya sa gobyerno kung wala ng kooperasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pagtiyak, sa gitna ng kumakalat na tsismis na ilang military generals ang planong mag-withdraw ng suporta sa punong ehekutibo.
Dahil umano ito sa pananahimik ng Pangulo sa patuloy na panghihimasok ng mga barko ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Muli ring binigyang katwiran ni Pangulong Duterte ang kanyang desisyon na italaga ang mga retiradong heneral bilang mga miyembro ng gabinete, sa pagsasabing nais niya ng masisipag at tumutupad ng maayos sa tungkulin nang walang katiwalian. (L. SORIANO)