Pangulong Duterte dapat tumigil na sa pagdepensa sa Pharmally
Mismong kaalyadong senador ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naniniwala na dapat tigilan na ng Punong Ehekutibo ang pagtatanggol sa kanyang mga sinasbaing kaibigan na sangkot sa kontrobersyal na multi-billion government contracts sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sinabi ni Senador Francis Tolentino na dapat hayaan na lamang ni Pangulong Duterte na gumulong ang imbestigasyon.
Subalit, iginiit ni Tolentino na hindi dapat ituring na pagkunsiti sa katiwalian ang pagdipensa ng Pangulo sa kanyang mga tao kundi pagpapakita lang ng tunay na pagkakaibigan.
Iginiit ng mambabatas na naiparating na ng pangulo ang kanyang mensahe at ngayon ay dapat bigyang daan na lamang niya ang paglabas ng katotohanan.
Ipinaalala rin ni Tolentino, ang separation of powers kung saan dapat na irespeto ng executive at legislative branches ang bawat isa. (Dang Garcia)