Panawagan para tumakbo si Robredo bilang pangulo lalo pang lumakas – Sen. Pangilinan
Lumalakas na ang panawagan mula sa iba’t ibang sektor para sa pagtakbo ni Vice President Leni Robredo bilang pangulo sa 2022, ayon sa isang mambabatas.
“Lahat ng gusto na maging pangulo si VP Leni, gusto siya dahil ang daming resibo ng serbisyo niya sa bayan lalo na ngayong pandemya,” wika ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan.
Inihalintulad nito si Robredo sa isang ina na ibinibigay ang pangangailangan ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya , tulad ng PPE, testing, gamot, at pati na psycho-social support.
“Pinupuno pa niya tayong lahat ng pag-asa sa kanyang walang-kapagurang pagserbisyo,” dugtong ni Pangilinan.
Ipinunto pa ng pangulo ng Liberal Party na nagsilbing inspirasyon ang lumalakas na panawagan sa mga volunteer, kabilang ang health workers, na buhayin ang diwa ng bayanihan ngayong panahon ng krisis.
“Walang drama. Walang pulitika. Serbisyo lang. Ganyan si VP Leni,” sabi pa ng senador.
Nanawagan din si Pangilinan sa sa mga tagasuporta ni Robredo na bigyan ang bise presidente ng sapat na panahon at espasyo para magdesisyon at palakasin pa ang panawagan para tanggapin niya ang hamon na tumakbo bilang pangulo.
“Sa kanyang pagbigay sa atin ng inspirasyon, mas i-inspire pa natin siya ng ating suporta. Kausapin natin ang mga kamag-anak at kaibigan at pursigihing makumbinsi siyang magpasiya para sa ikabubuti ng ating kalusugan, ng ating kinabukasan, ng ating mga anak,” aniya.
Noong Lunes, nagsagawa ng online gathering ang mahigit 200 grupo na kumakatawan sa mahigit 500,000 miyembro para kumbinsihin siyang tumakbo bilang pangulo.
Sa nasabing pagtitipon, binasa ng mga grupo at mga volunteer ang isang Manifesto of Support kung saan nagpahayag sila ng buong suporta kay VP Robredo sakaling tumakbo siya bilang pangulo sa 2022.
Tinaguriang “Kay Robredo, Taumbayan ang Panalo: The People’s Convention”, pinapurihan ng mga volunteer at iba’t ibang grupo ang magaling na liderato ni Robredo, lalo na sa gitna ng pandemya.
Bilang pangulo ng Liberal Party, nais ni Pangilinan na pagkaisahin ang lahat ng puwersa ng oposisyon sa likod ni Robredo bilang tanging kandidato sa halalan sa 2022.