Pamamaril sa harap ng compound ni PCSO Dir. Sandra Cam kinondena; 2 bata ang sugatan
Mariing kinondena ni PCSO Director Sandra Cam ang pamamaril sa harap ng kanyang bahay sa Batuan, Masbate ng hindi pa nakikilalang suspek kung saan dalawang bata na dumalo lamang sa isinagawang gift giving ang nadamay at malubhang nasugatan.
“We strongly condemned the shooting incident that victimized two minors during this Christmas season, this period of critical crisis of pandemic. Political violence must be set aside and focus only on gift giving to less fortunate kababayans” pahayag ni Cam.
Kumbinsido si Cam na politically motivated ang nangyaring pamamaril na ang hangarin ay maghasik ng takot sa mga residente ng Batuan at sa kanilang mga supporters dahil nangyari ang insidente matapos ang kanilang isinagawang gift giving.
Lubhang dinaramdam ni Cam na may dalawang inosenteng bata ang nasugatan sa insidente.
“We are just waiting for the investigations being conducted by our police authorities. Let the justice be served immediately” dagdag pa ni Cam.
Ayon kay Batuan Chief of Police, Police Lieutenant Nestor Nasayao na mayroon na silang lead at identified suspects subalit tumanggi pa muna nya itong pangalanan para na rin sa kaligtasan ng mga testigo, aniya, pananakot at walang direktang target ang mga nasa likod ng pamamaril dahil ginawa ito sa harap ng compound ng pamilya Cam na may 25 metro pa ang layo mula bukana ng bahay.
“nag-open fire sila sa harap ng compound at nagkataon na palabas naman noon ang mga biktima” pahayag ni Nasayao.
Naganap ang insidente alas 7:47 ng gabi, noong December 27, sa Barangay Canvañez, Batuan, Masbate, ang dalawang biktima ay nakilalang sina Margie Garde, 14 anyos, residente ng Barangay, Danao at Sam Hate, 9 anyos at residente ng Brgy. Canvanez, Batuan, Masbate.
Ang dalawa ay kapwa nilalapatan ng lunas sa Masbate Hospital at sumasailalim sa operasyon, si Hate ay tinamaan ng bala sa tiyan habang si Garde ay tinamaan sa kanyang dalawang paa.
Ani Nasayao narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 2 piraso ng fired slug at 5 fired cartridge mula sa .45 kalibre ng baril.
Kasalukuyang nang nirerebyu ng Masbate Police ang CCTV footage sa pinangyarihan ng insidente na makatutulong para matukoy ang mga suspek na apat katao na lulan ng dalawang motorsiklo, ani, Nasayao, nakapagbigay na din ng statement ang isa sa batang biktima at identified nito ang isa sa mga suspek.
Mas hinigpitan na din ng mga awtoridad ang seguridad sa Batuan kasunud ng insidente.
Karaniwang balot ng takot ang mga residente sa Batuan mula nang makabalik sa kapangyarihan at maupo muli bilang Alkalde si Batuan town mayor, Charmax Jan Yuson.
Matatandaan na may 1 taong nagtago si Yuson matapos magpalabas ng warrant of arrest sa kanyang kasong illegal possession of firearms nang makumpiskahan ito ng matataas na kalibre ng baril at granada noong Pebrero 2019 subalit muli itong nakabalik sa pwesto matapos mabasura ang kasong illegal possession of firearms noong Hunyo dahil lamang sa technicality kung saan binasura ni Masbate RTC Branch 50 Judge Arturo Clemente Revil ang kaso dahil sa nagkaroon umano ng “forum shopping” nang iapply ang search warrant sa isinagawang raid sa bahay ng alkalde.
Ang anak ni Cam na si Marco ang syang nakalaban ni Yuson sa mayoral post noong 2019 election at bagamat natalo noong eleksyon ay mas buo ang suporta ng mga residente sa mga Cam.
Aminado si Director Cam na madalang na lamang itong umuwi sa Batuan dahil sa abala ito sa kanyang trabaho sa PCSO, umuwi lamang ito ngayong Kapaskuhan para sa taunang gift giving na kanilang ginagawa subalit nakalulungkot na nangyari pa ang insidente.
“mas maraming residente ang pumila sa aming gift giving kaya yung pamamaril ay maaaring kanilang paraan para takutin ang mga residente na lumalapit sa amin” pagtatapos pa ni Cam na nakatada na sanang bumalik ng Maynila ngunit dahil sa kalagayan ng mga biktima ay minabuti nyang ipagpaliban ang pagbiyahe para maasikaso ang kalagayan ng mga batang biktima na nadamay.