Pagtatayo ng housing project sa Tondo, Maynila sisimulan na
Tuloy na ang pagtatayo ng isang housing project sa Tondo, Maynila.
Kasunod ito ng pagsisikap ni Manila Representative Manny Lopez na makakuha ng pondo para sa proyekto.
Pinangunahan ni Lopez ang groundbreaking ceremony ngayong Huwebes, Pebrero 25, para sa Vitas High Rise Residential Building sa Mel Lopez Blvd. sa Tondo.
Dumalo din sa groundbreaking ang ilang opisyal ng National Housing Authority (NHA).
Ang Vitas High Rise Residential Building ay itatayo sa 3.5 ektaryang lupain.
Ang first phase nito ay may lawak na 9,183.56 square meters na pagtatayuan ng tatlong 19-storey housing building na may 770 residential units.
Ayon kay Lopez, kapag naitayo na ang Vitas High Rise Residential Building, ito ay isa sa magiging pamana ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Filipino.
“Eto na ang pabahay na ito dito mismo sa Tondo ang Katuparan ng Pangakong Lopez. Batid ninyo na hindi madali ang pondo mula sa pamahalaan, subalit sa ating matiyagang pagsusumamo, naisasabay natin ang proyektong pabahay sa gitna ng pandemya,” ayon kay Lopez.
Dagdag pa ni Lopez, dahil sa nasabing proyekto ay mabibigyan ng trabaho ang mga taga-Tondo na pwedeng maging kabahagi ng construction.
Ang mga kababaihan naman ay pwedeng magtinda ng pagkain sa mga manggagawa.
“Ito ay magandang simula sa ating pagsisikap na makabangon mula sa krisis ng ekonomiya na dulot ng pandemya dito mismo sa Tondo, na simbulo ng kahirapan sa kamaynilaan. Dito tayo mismo babangon bilang isang mamamayan na may maginhawang pamumuhay. Ito ang pangarap ng inyong lingkod para sa ating mga kababata sa Tondo,” dagdag pa ni Lopez.
Sinabi ni Lopez, na habang isinasagawa ang construction ng abot-kaya at on-site housing, inaasikaso na din ang cash rental subsidy ng mga kababayan para hindi sila mahirapan.
Lubos na nagpapasalamat si Lopez kay Pangulong Duterte dahil sa walang sawang pagtulong sa kanyang mga proyektong naglalayon na maitaas ang antas ng buhay ng mga mahihirap.