Pagpuna ni Mayor Isko kay Mayor Sara sa pag-iikot nito sa mga lalawigan dapat dalhin sa Comelec – Casiple
Para sa political analyst na si Mon Casiple walang mangyayari sa naging pagpuna ni Manila Mayor Isko Moreno kay Davao City Mayor Sara Duterte sa ginagawa nitong pag-iikot sa mga lalawigan gayundin ang pag-aakusa ng ilang kritiko na early campaigning laban sa presidential daughter hanggang sa walang inihahaing reklamo sa Commission on Election (Comelec).
Ayon kay Casiple madaling makalulusot sa alegasyong early campaigning lalo at election season na,payo nito, kung nais na mapigilan ang ganitong isyu ay mainam na maghain ng reklamo sa Comelec upang ito ay maaksyunan.
“Kung walang gagawin at walang reklamo sa Comelec o sa DILG masasabi nating wala ding silbi ang ganitong mga pagpuna ni Mayor Isko at ng mga kritiko” paliwanag ni Casiple.
Matatandaan na nagpasaring si Mayor Isko sa mga pulitiko na nag-iikot sa mga lalawigan na kailangang kailangan ang kanilang presensya sa kanilang mga siyudad para tututukan ang COVID 19 response lalo at hindi pa naman panahon ng eleksyon.
Si Mayor Sara ay nakatanggap ng mga pagbabatikos dahil sa timing ng kanyang pagbisita kamakailan sa Cebu at Zambaoaga City gayundin ang pakikipagpulong nya kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kabila ng nangunguna pa rin ang Davao City sa mga lalawigan sa labas ng National Capital Region (NCR) na may mataas na COVID-19 cases.
Nagbigay naman ng payo si Casiple sa mga nag iikot na pulitiko na sila ang magtiyak na kanilang sinusunud ang itinatakdang health protocols para na rin sa kaligtasan ng mga botante.
Ang payo ay ginawa ni Casiple kasunud na rin ng lumabas na report na nahirapan si Mayor Sara na lumabas matapos ang kanyang naging pagpupulong kay Zamboaga City Mayor Beng Climaco sa Zamboaga City dahil sa dami ng tao na naghihintay sa kanya na nagnanais na magpalitrato kasama ito.
“May guidelines ang IATF sa pagconduct ng campaign, madaling sabihin na sinusunud ito kaya ang concern ng lahat ay ang mga pulitiko ang syang dumistransya, malaki ang roles ng mga pulitiko para hindi kumalat pa ang COVID sa panahon ng eleksyon” pahayag ni Casiple,
Iminungkahi pa ni Casiple na ang mga pulitiko ang syang pagunahing bantayan sa pasunod ng health protocols at kasuhan ang mga hindi susunod.